Nananawagan ang Our Lady of the Pillar Parish Church sa Cauayan City sa publiko na makiisa sa White Ribbon Rally, isang mapayapang pagkilos na naglalayong isulong ang transparency, accountability at mabuting pamamahala sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Father Vener Ceperez, Parish Priest ng Our Lady of the Pillar Parish Church, sinabi niyang ang White Ribbon Rally ay tugon sa panawagan ni Cardinal Pablo Virgilio David upang pag-isahin ang mamamayan sa pagsusulong ng katotohanan, hustisya at mapayapang paglutas sa mga isyung kinahaharap ng bansa.
Ayon kay Fr. Ceperez, ang puting laso ang nagsisilbing simbolo ng kalinisan ng budhi at ng hangarin ng mga mamamayan na magkaroon ng isang pamahalaang tapat, may pananagutan at sumusunod sa tamang proseso ng batas.
Binigyang-diin niya na ang layunin ng naturang pagkilos ay hindi upang manira, makipag-away o maghasik ng hidwaan, kundi upang hikayatin ang mga opisyal ng pamahalaan na gampanan ang kanilang tungkulin nang may integridad at malasakit sa taumbayan.
Aniya, ang tunay na kapayapaan ay nakakamit sa pamamagitan ng mapayapang pamamahala, paggalang sa batas, at pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan para sa kabutihang panlahat.
Idinagdag pa ni Fr. Ceperez na mahalagang samahan ng panalangin ang anumang adhikain tungo sa pagbabago dahil may hangganan ang kakayahan ng tao ngunit sa tulong ng Diyos ay nagiging posible ang tunay na pagbabago at pagkakaisa.Sa kanyang mensahe, hinikayat niya ang bawat Pilipino na magsimula sa sariling tahanan, barangay at pamayanan sa pagtataguyod ng katapatan, transparency at accountability, at makiisa sa pagsusulong ng mabuting pamamahala para sa kapakanan ng lahat.











