Isang piraso ng Flamin’ Hot Cheeto na kahugis umano ng Pokémon character na si Charizard ang naibenta sa isang auction sa nakalululang halagang $87,840 (katumbas ng halos P5 million)
Ayon sa Goldin auction house, nagsimula ang bidding sa $250 noong Pebrero. Ngunit dahil sa pagiging bihira at usap-usapan online, pumalo ito sa presyong $72,000, dagdag pa rito ang buyer’s premium, kaya umabot sa kabuuang $87,840.
Ang 3-inch na Cheeto, na tinawag na “Cheetozard,” ay inilagay pa sa isang custom Pokémon-style card at sinelyuhan sa isang malinaw na kahon para mapanatili ang itsura nito.
Natagpuan at iningatan umano ang kakaibang sitsirya ng sports memorabilia company na 1st & Goal Collectibles sa pagitan ng 2018 at 2022.
Pero naging viral ito sa social media nitong 2024, dahilan upang lumakas ang interes ng mga kolektor.
Ito na ang pinakamahal na piraso ng sitsirya sa kasaysayan.











