Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2500752 na inilabas noong Hulyo 24, 2025, kinilala ng Civil Service Commission (CSC) na may karapatang magkaroon ng civil service eligibility ang ilang elected at appointed na opisyal ng Sangguniang Kabataan (SKOs), basta natapos nila ang buong tatlong taong termino at may good standing.
Ayon sa CSC, ang bagong eligibility na ito, na tinatawag na Sangguniang Kabataan Official Eligibility (SKOE), ay maaaring gamitin para sa unang lebel ng mga posisyon sa career service, maliban sa mga puwestong sakop ng board laws o nangangailangan ng iba pang espesyal na eligibilities.
Ayon kay CSC Chairperson Marilyn B. Yap, ang SKOE ay pagkilala sa mahalagang papel ng kabataan sa nation‑building at patunay sa kanilang kontribusyon sa pampublikong serbisyo. Dagdag pa niya, sa pamamagitan nito ay binibigyan ng pagkakataon ang mga batang lider na magpatuloy sa paglilingkod bilang opisyal ng gobyerno.
Sakop ng SKOE ang mga SKOs na nasa katungkulan noong maging epektibo ang Republic Act No. 11768 (SK Reform Act of 2015), simula Hunyo 1, 2022. Kabilang din dito ang mga SKOs na nanungkulan mula 2018 hanggang 2022, basta’t natapos nila ang buong termino. Kasama rin ang mga SK members na nahalal ng Katipunan ng Kabataan (KK), at mga SK secretaries at treasurers na hinirang ng SK chairperson mula sa KK, sa pagkakasundo ng karamihan ng SK members.
Ngunit linaw ng CSC na hindi sakop ng SKOE ang SK chairpersons, dahil ang mga ito ay sakop ng Barangay Official Eligibility (BOE) alinsunod sa Batas Pambansa Blg. 337 na pinalitan ng Local Government Code noong 1991.
Ang mga kwalipikadong SKOs ay maaaring magsumite ng aplikasyon para sa SKOE simula Oct. 4, 2025. Ang aplikasyon ay isusumite sa CSC Regional Office na may hurisdiksiyon sa barangay kung saan nagsilbi ang aplikante. Maaari rin silang magsumite sa CSC Regional Office o Field Office malapit sa kasalukuyang tirahan o trabaho, na magsisilbing tagatanggap ng aplikasyon at tagapamahagi ng sertipiko kapag naaprubahan.











