Isa ngayon sa tinitingnang anggulo ng Philippine National Police (PNP) ang anggulo na sniper ang responsable sa pagpaslang kay Mayor Joel Ruma ng bayan ng Rizal, Cagayan.
Sa naging pahayag ni PNP Public Information Office Chief Col. Randulf Tuaño, isang bala ng caliber 5.56 ang tumama sa kanang balikat ni Mayor Ruma, na tumagos pa sa likurang bahagi ng kaniyang katawan.
Isang basyo ng bala ang narekober sa lugar na hinihinalang pinagmulan ng putok at pinaniniwalaang pinagpwestuhan ng sniper.
Nasa kustodiya na rin ng binuong Special Investigation Task Group ang 4 na local police security ng alkalde para kuhanan ng pahayag at inaalam kung nakaganti sila ng putok dahil may tatlong nasugatan sa insidente.
Isasalang din ang mga pulis sa parrafin test at isailalim sa forensic ang kanilang service firearms.
Matatandaang pasado alas-9:00 kagabi nang pagbabarilin si Mayor Ruma sa loob mismo ng gymnasium sa Barangay Iluru habang nasa gitna ng kaniyang pangangampanya.











