Isang “winter wonderland” sa Sichuan province sa China ang nauwi sa eskandalo matapos madiskubre ng mga bisita na ang ipinangakong niyebe ay gawa lang pala sa bulak.
Ang Chengdu Snow Village, na tinaguriang “winter wonderland”, ay naglabas ng mga ads na nagpapakita ng makakapal na yelong bumabalot sa mga kabahayan.
Ngunit nang dumagsa ang mga turista para kumuha ng litrato, nadismaya sila nang madiskubreng ang puting “snow” ay malalaking piraso lang ng bulak.
Kumalat online ang mga larawan ng kalbong lupa na may patse-patseng bulak at mga bubong na tinapalan ng tila puting bedsheet na may bakas pa ng mga stapler!
Matapos makatanggap ng kritisismo, naglabas ng apology ang pamunuan ng Snow Village.
Ayon dito, hindi nila inasahan na mahina ang snow ngayong taon. Dahil dito, sinubukan nilang lumikha ng mala-winter wonderland na ambience gamit ang ilang kagamitan gaya ng bulak, white sand at iba pang mga bagay na mukhang snow ngunit kinulang sila ng resources para ma-achieve ito.
Sa huli, inalok nila ng refund ang mga nadismayang bisita.
Dahil sa reklamo, sinara na ang pasyalan at iniimbestigahan ito ng mga awtoridad sa posibleng kasong false advertising.
Hindi ito ang unang beses na nadaya ang mga turista sa China. Noong nakaraan, isang tanyag na waterfalls ang nadiskubreng nagmumula sa tubo ang tubig na dumadaloy dito.