
CAUAYAN CITY – Dahil sa hindi mapigilang social gatherings ng mga mamamayan ay patuloy ang mataas na naitatalang kaso ng Covid 19 sa nasabing bansa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Jun Ramirez, isang pinoy na guro sa Indonesia, sinabi niya na ngayong araw ay magkakaroon na naman ng social gatherings dahil sa Eidl-Adha o festival of the sacrifice ng mga muslim.
Ngayon ay ipinagbawal na ng pamahalaan ang public celebrations at nagpalabas na rin ng istriktong health protocols sa pagpatay ng mga muslim ng hayop para sa nasabing fiesta.
Ayon naman kay Ginoong Ramirez mahirap itong pigilan dahil isa na ito sa kultura ng mga muslim at inaasahan nang marami pa rin ang magsasagawa ng pagtitipon kahit pa ipinagbawal na ng pamahalaan.
Aniya nitong nakaraang araw ay nakapagtala ng mahigit apatnaput limang libong kaso ng Covid 19 ang Indonesia sa isang araw lamang habang halos dalawang libo naman ang nasawi dahil sa virus.
Posibleng naging dahilan ng pagtaas ng kaso sa bansa ang ipinagdiwang na Ramadan noong Hunyo at ang pinakamataas na naitalang kaso ay nitong ikalabing lima ng Hunyo na umabot sa halos limamput limang libo.
Nagkakaubusan na rin ng Medical oxygen at marami nang doctors at nurses ang nasawi dahil sa delta variant na unang nadiskubre sa India.
Aniya tumaas din ang presyo ng Ivermectin na ginagamit bilang gamot ng mga nagpositibo sa virus.
Dahil sa mataas na kaso ay ikinukunsidera na ang Indonesia bilang bagong epicenter ng pandemic sa Asya.
Samantala limang Pilipino na ang namatay dahil sa Covid 19 sa Indonesia kabilang ang isang Principal sa isang International School doon.
Siya ay nadiagnosed na positibo sa virus noong araw ng Huwebes kaya naghome quarantine ngunit nitong sabado ay natagpuan na lamang itong patay sa kanyang tinutuluyan.
Nagtutulungan naman ang mga Filipino Community sa nasabing bansa at pinapadalhan ng pagkain at pangunahing pangangailangan ang mga pinoy na tinatamaan ng virus.










