Tiniyak ng Malacañang na walang maiiwang Pilipino sa gitna ng krisis dulot ng mataas na presyo ng langis, lalo na ang mga pampublikong tsuper na hindi nakatanggap ng fuel subsidy sa mga nakaraang payout.
Ayon kay Claire Castro, napagkasunduan nina Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez at Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maglaan ng special payout para sa mga tsuper na hindi nakatanggap ng ayuda.
Ipinaliwanag na maaaring nagkaroon ng double entry sa rehistro ng mga tsuper o kakulangan sa detalye kaya hindi naisama ang ilan sa listahan ng mga benepisyaryo.
Ayon pa kay Castro, magkakaroon ng hiwalay na araw para sa payout kung saan makatatanggap ng tig-P5,000 ang mga kwalipikadong tsuper mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Kailangan lamang umanong ayusin ng mga apektadong tsuper ang kanilang mga dokumento upang mapatunayan na sila ay lehitimong benepisyaryo. Tiniyak din ng pamahalaan na hindi nila pababayaan ang mga ito.
Matatandaang matapos simulan ang pamamahagi ng ayuda noong nakaraang linggo, maraming tsuper ang nagreklamo dahil hindi umano sila nakatanggap ng subsidiya dahil wala ang kanilang pangalan sa masterlist ng DSWD at DOTr.











