--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpaliwanag ang Social Security System o SSS kaugnay sa pagkakaroon ng bayad center sa loob ng kanilang tanggapan.

Una rito ay dumulog sa Bombo Radyo Cauayan si Ginoong Orlando Talosig ng Cauayan City para ireklamo ang pagkakaroon ng service fee sa kanilang pagbabayad kahit nagtutungo na sila sa mismong tanggapan ng SSS.

Aniya, nagtungo siya sa SSS Cauayan branch para magbayad ng contribution ng kanyang mga anak.

Ang alam niya dahil nagtungo na siya mismo sa naturang tanggapan ay ang babayaran na lamang niya ay ang contribution subalit inutusan umano siya sa bayad center sa tabi ng cashier at may dagdag na bayad na labinlimang piso.

--Ads--

Ayon kay Ginoong Talosig, gusto niyang malinawan kung bakit uutusan pa sila sa bayad center samantalang nandoon na sila mismo sa loob ng tanggapan ng SSS.

Pangalawang beses na niya itong maranasan at ang rason ay nakaleave umano ang nakaassign sa cashier.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice President Porfirio Balatico ng SSS North Luzon 2 Division, sinabi niya na nagkaroon ng bayad center sa SSS Cauayan dahil noong una ay walang cashier dito.

Kinausap nila ang bayad center na sila muna ang tellering hanggang sa magkaroon na talaga ng teller.

Aniya, kahapon ay wala ang teller dahil nagkasakit at hindi sila puwedeng maglagay ng basta-bastang tao na hindi official teller dahil ma-o-audit sila ng Commission on Audit o COA.

Ang pagbabayad aniya ng service fee sa bayad center ay nagkabisa noong Disyembre, 2022 sa pamamagitan ng commission resolution at nasa pito hanggang dalawampu’t limang piso ang bawat transaction.

Gayunman ay nakikiusap na sila sa bayad center na kung maari ay babaan na lamang ang kanilang charge dahil nasa opisina na rin sila ng SSS.

Sinabi pa ni Ginoong  Balatico na katunayan may plano na ang SSS na sa 2024 ay isasara na lahat ang tellering ng SSS at ang magiging collecting agency nila ay ang bayad center gayundin ang online payment tulad ng mga e-wallet.