--Ads--

Humingi ng paumanhin ang South Korean actress na si Ha Young matapos batikusin ang kanyang naging pahayag tungkol sa kanyang lolo sa tuhod na una niyang ipinagmalaki sa isang palabas sa telebisyon.

Sa kanyang paglabas sa KBS variety show na Problem Child In House noong Agosto 7, ibinahagi ni Ha Young na nagmula siya sa pamilya ng mga doktor at ipinagmalaki ang kanyang lolo sa tuhod na si Ahn Sang Ho, na nag-aral ng medisina sa Japan at naging doktor ni Emperor Go Jong ng Korea.

Ngunit naging kontrobersyal ito matapos iugnay ng ilang netizens si Ahn Sang Ho sa Daejeong Friendship Association, isang organisasyong sumuporta umano sa pananakop ng Japan sa Korea mula 1910 hanggang 1945.

Sa isang pahayag na inilathala sa Instagram noong Agosto 12, humingi ng tawad si Ha Young at inaming limitado lamang ang kanyang kaalaman tungkol sa nakaraan ng kanyang ninuno.

--Ads--

Ayon sa aktres, saka lamang niya masusing sinaliksik ang kasaysayan ng kanyang lolo sa tuhod at napagtanto ang bigat ng isyu para sa kanyang mga kababayan.