Kalahok ang isang babaeng sundalo ng 5th Infantry Division Philippine Army sa Annual World Championship of Performing Arts sa Estados Unidos na gaganapin sa buwan ng Hulyo 2023.
Siya ay si Corporal Sessy Lou Salazar, dalawamput siyam na taong gulang, isa sa mga bokalista ng 5ID band ng 5th Infantry Division, Philippine Army na naka-base sa Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.
Si Cpl. Salazar ay mula sa lalawigan ng Kalinga at siyam na taon na siyang miyembro ng Philippine Army.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cpl. Salazar, sinabi niya na dumaan siya sa audition sa SM Clark kung saan ay sumabak siya sa dalawang audition at kabilang siya sa kwalipikado patungong Estados Unidos.
Estudyante pa lamang si Cpl. Salazar ay pag-awit na ang kanyang nakahiligan at ito rin ang ginamit niya para kumita ng pera upang matustusan ang kanyang pag-aaral hanggang makapasok na siya sa Phil. Army.
Bata pa lamang ay sumasali na siya sa mga singing contest at noong college ay myembro siya ng school band.
Aniya napupunta sa allowance ang mga kinikita niya sa singing contest dahil free tuition fee naman ang mga kabilang sa school band.
Unang beses pa lamang umano niyang sinubukang mag-audition sa Annual World Championship of Performing Arts at sa kanyang unang subok ay nakuha naman siya lubha niyang ikinagalak.
Inspirasyon ni Cpl. Salazar sa pagsali sa nasabing kompetisyon ang kanyang pamilya at Philippine Army na todo ang suporta sa kanya.
Sa kasalukuyan ay naghahanda na si Cpl. Salazar ng kanyang mga papeles tulad ng Visa maging ang paghahanda para sa gaganaping Bootcamp sa Maynila na magsisimula sa buwan ng Enero sa susunod na taon.
Payo naman niya sa mga may talento ngunit hindi makapagpatuloy dahil sa ibat ibang kadahilanan na ipagpatuloy lamang ito at samahan ng dasal dahil ipagkakaloob naman ito ng panginoon basta samahan ng pananalig.