Tiniyak ng Department of Energy (DOE) nitong Martes na sapat pa ang suplay ng petrolyo sa bansa at hindi pa kinakailangan magdeklara ng krisis, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa isang press briefing, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na may humigit-kumulang 45 araw na suplay ng langis ang bansa. Kabilang dito ang:
- Gasolina – 53.14 araw
- Diesel – 45.82 araw
- Kerosene – 97.93 araw
- Jet fuel – 38.62 araw
- Fuel oil – 61.49 araw
- LPG – 23.51 araw
Ayon kay Garin, kung magtitipid ang publiko sa paggamit ng gasolina at iiwasan ang hoarding, maaari pang madagdagan ng hanggang isang linggo ang suplay.
Dagdag pa niya, patuloy ang hakbang ng DOE upang matiyak ang tuloy-tuloy na supply at isinusulong din ang pagpasok ng karagdagang suplay sa bansa.
Inihayag din ni Garin na may paparating na humigit-kumulang isang milyong bariles ng diesel mula sa mga trader sa Southeast Asia. Mayroon ding P20 bilyong pondo ang gobyerno upang makabili ng dalawang milyong bariles ng diesel na makadaragdag ng hanggang 10 araw na suplay.
Samantala, patuloy pa ring inaayos ang mga order mula sa China at Russia, ngunit wala pang pinal na kasunduan.
Sumang-ayon din si Garin sa mungkahi ng Makati Business Club na maglatag na ng prayoridad kung sakaling magkaroon ng kakulangan sa suplay. Aniya, dapat unahin ang pampublikong transportasyon dahil mas marami itong naaabot na pasahero, bagama’t wala pang pinal na listahan.
Iminungkahi naman ni MBC Chairman Edgar Chua na maaaring magdeklara ng krisis ang pamahalaan upang hikayatin ang publiko na magtipid sa enerhiya at maging handa sa posibleng paglala ng sitwasyon.
Nilinaw din ni Garin na walang kontrol ang pamahalaan sa presyo ng langis dahil deregulated ang industriya, kaya ang mga oil company ang nagtatakda ng presyo.
Sa pinakahuling galaw ng presyo, tumaas ang diesel ng P15 hanggang P18 kada litro, habang ang gasolina ay tumaas ng P8 hanggang P12 kada litro. Ang kerosene naman ay nagmahal ng P12 hanggang P22 kada litro.











