CAUAYAN CITY – Nadakip na ng Santiago City Police Office (SCPO) ang pinaghihinalaan sa panghohold up sa isang palay buyer sa Lungsod ng Santiago.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol Saturnino Soriano, tagapagsalita ng SCPO, sinabi niya na sa pamamagitan ng maigting ng pagsisiyasat ng pulisya at mga CCTV cameras na nakahagip sa mga pinaghihinalaan na nakamotorsiklo kung kayat natukoy ang pagkakakilanlan ng isang suspek.
Natunton ng mga alagad ng batas ang isang pinaghihinalaan sa Bayan ng Alfonso Lista, Ifugao. Batay sa kanilang pagsisiyasat ay dati na rin umanong nasangkot sa karaperong krimen ang suspect sa ibang bayan.
Ayon kay PLtCol Soriano, patuloy tinutugis ng pulisya ang isa pang pinaghihinalaan at inaalam kung may iba pang sangkot o utak sa nangyaring panghohold up.
Hindi rin isinasantabi ng pulisya ang posibilidad na isang organized crime group ang mga sangkot sa panghohold up.
Matatandaan na tinangay ng mga suspek ang 450,000 pesos na halaga ng pera matapos na holdapin ang isang palay buyer sa bahagi ng Brgy. Abra, Santiago City.
Galing umano sa bangko ang biktima para magpapalit ng cheke na nagkakahalaga ng P450,000 pesos at pauwi na sakay ng kanyang tricycle nang bigla itong harangin ng riding in tandem suspects.
Posible umanong minanmanan siya ng mga suspek kaya alam ng mga ito na may hawak ang biktima na malaking halaga ng pera.
Ayon kay PLtCol Soriano, naisampa na ang kasong robbery hold up laban sa pinaghihinalaan sa ilalim ng inquest proceeding habang isasampa naman ang reklamo sa ilalim ng regular filing laban sa isa pang pinaghihinalaan.