Sumuko sa mga awtoridad ang isang indibidwal na umano’y tulak at gumagamit ng ilegal na droga sa isinagawang anti-criminality campaign ng kapulisan sa Lungsod ng Cauayan.
Batay sa memorandum na inilabas ng Cauayan City Police Station, dakong alas-3:30 ng hapon nang magsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng himpilan sa Research 1, Minante 1, Cauayan City kung saan kusang loob na sumuko ang isang lalaking itinago si alias “Burog,” 30 anyos, driver, at residente ng naturang barangay.
Ayon sa ulat, lumagda ang naturang indibidwal sa isang affidavit of undertaking kung saan nangako siyang iiwas sa paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Nakasaad din sa kasunduan na makikipagtulungan siya sa mga awtoridad at sa mga opisyal ng barangay sa pagsugpo sa ilegal na aktibidad ng droga, kabilang ang pag-uulat ng anumang insidenteng may kaugnayan dito.
Siya rin ay sumang-ayon na mag-report sa mga awtoridad kung sakali mang may matuklasan siyang kalakalan ng ilegal na droga sa kanilang lugar.
Matapos ang proseso sa himpilan, siya ay pansamantalang pinalaya at itinurn-over sa kanyang pamilya at sa mga opisyal ng barangay para sa patuloy na pagbabantay sa superbisyon.
Samantala, patuloy ang paalala ng kapulisan sa publiko na makiisa sa kampanya kontra ilegal na droga at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.











