--Ads--

CAUAYAN CITY – Natukoy na ang isang suspek sa pagpatay sa isang grade 11 student sa San Fermin, Cauayan City.

Ang biktima ay si Aize Rafael Dalupang, 18 anyos at residente ng municipal housing sa barangay San Fermin.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni barangay kagawad Paul Perez ng San Fermin na kinabukasan pagkatapos ng pangyayari ay agad na nag-ikot sa kanilang barangay ang chairman ng Purok 8 sa kanilang barangay para hanapin ang tindahan na posibleng pinagbilhan ng alak ng mga suspek at biktima.

Nang matukoy ay agad na ipinabatid sa kanya at napag-alaman nila batay sa pahayag ng ilang saksi sa krimen na ang suspek ay kasama sa pagbili ng alak sa tindahan.

--Ads--

Pinuntahan ang mga posibleng suspek kasama ang mga saksi at inimbitahan sa Cauayan City Police Station.

Sinabi ni barangay kagawad Perez na ang umaming suspek sa Cauayan City Police Station ay 17 anyos lamang.

Naniniwala siya na hindi lamang iisa ang suspek sa krimen dahil sa dami ng tinamong saksak ni Dalupang.

Ayon kay Perez, magkakaibigan ang mga suspek ngunit at ngayon lamang niya nakita sa kanilang barangay ang umaming suspek.

Iniimbestigahan ang anggulong love triangle ang dahilan ng pagpatay kay Dalupang.

Kaugnay nito, pinayuhan ni barangay kagawad Perez ang mga magulang na huwag payagan ang kanilang mga anak na lumabas lalo na at ipinagbabawal pa ring lumabas ang mga kabataan ngayon dahil sa COVID-19 pandemic.

Ang pahayag ni Barangay Kagawad Paul Perez.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Cauayan City Police Station na patuloy pa rin ang ginagawa nilang imbestigasyon kaugnay sa naturang krimen.

Sa ngayon, isa sa sinisiyasat sa krimen ay kung may kinalaman ang pagkakaroon ng kaalitan ng biktima sa mga nagdaang araw.

Nanawagan ang pulisya sa mga may nalalaman tungkol sa naturang krimen na magbigay lamang ng impormasyon sa kanilang himpilan para sa agarang pagkakalutas ng kaso.