Na naaresto ng mga tauhan ng Sta. Maria Municipal Police Station ang suspek sa naganap na pamamaril sa Brgy. Buenavista, Sta. Maria, Isabela nitong Mayo 29, 2026 sa pamamagitan ng agarang hot pursuit operation.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Letty” , 68-anyos, may asawa, magsasaka, at residente ng Brgy. Casibarag Norte, Cabagan, Isabela. Samantala, kinilala naman ang suspek sa alyas na “Evangelino,” residente ng Brgy. San Rafael East, Sta. Maria, Isabela.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-12:30 ng tanghali nang maganap ang insidente sa Purok 6, Brgy. Buenavista, Sta. Maria, Isabela. Dakong ala-1:20 ng hapon nang makatanggap ng ulat ang Sta. Maria Municipal Police Station mula sa isang concerned citizen hinggil sa pamamaril.
Agad na rumesponde ang mga operatiba sa lugar at natagpuan ang biktima na may tama ng baril. Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo patungo sa hindi matukoy na direksyon.
Dahil sa mabilis at maagap na pagkilos ng pulisya, agad na inilunsad ang hot pursuit at dragnet operations sa mga posibleng dinaanan ng suspek. Sa loob lamang ng ilang oras, naaresto ang suspek bandang alas-2:35 ng hapon sa Sitio Pata, Brgy. Buenavista, Sta. Maria, Isabela.
Narekober mula sa suspek ang isang Caliber 9mm pistol na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Agad ding nagsagawa ng koordinasyon ang Sta. Maria MPS sa Isabela Provincial Forensic Unit para sa pagproseso ng crime scene at pangangalap ng ebidensya. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa insidente.











