--Ads--

SANTIAGO CITY – Nahuli na ng kapulisan ang suspek sa pananaksak sa mismo nitong amain at kapatid sa ina sa barangay Rizal.

Una nang napaulat ang pananaksak ng suspek na si Jeffrey Pusilero, dalawampu’t pitong taong gulang, residente ng San Antonio, Ramon, Isabela sa mga biktima na sina Roel Fabros, apatnapu’t anim na taong gulang at anak nitong labinlimang taong gulang na kapwa residente ng naturang lugar.

Sa pagsisiyasat ng kapulisan ay dumalo sa isang birthday celebration ang suspek at mga biktima at nagkaroon ng inumin.

Pagkatapos ng inuman ay nagkayayaan ang menor de edad na biktima at ang suspek na maglaro ng arm wrestling o punong braso at natalo ang suspek ng tatlong beses.

--Ads--

Inasar umano ng biktima ang suspek na noong malaki ang katawan ng kanyang kuya ay tinatalo siya nito subalit ngayon na malaki na rin ang kanyang katawan ay kaya na rin niya itong talunin.

Nainis ang suspek at hinamon ng suntukan ang biktima at sa pagsusuntukan ng dalawa ay nakita ni Fabros kaya umawat subalit sinaksak siya ng pinaghihinalaan.

Nakatakbo naman ang menor de edad na biktima subalit nahabol din ng suspek at inundayan din ng saksak.

Dinala sa pagamutan ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival si Fabros.

Tumakas naman ang pinaghihinalaan subalit nadakip din kahapon ng mga pulis sa kanyang tinitirhan sa Ramon, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pusilero, sinabi niya na self deffense lamang ang kanyang ginawa.

Sinabi umano ng kanyang kapatid na papatayin siya nito.

Pinagtulungan umano siya ng mag-ama kaya nagawa niyang ilabas ang kanyang kutsilyo at pinagsasaksak ang mga biktima.

Inihayag din niya na nagwala rin ang kanyang kapatid bago ang pangyayari.