CAUAYAN CITY – Nakakulong na ang isang suspek na nanloob sa isang bahay paupahan noong nakaraang linggo sa Brgy. Patul, Santiago City.
Ang nadakip ay si Justine Manuel, 22 anyos at residente rin ng nasabing lugar.
Sa pagsisiyasat ng Station 2 ng Santiago City Police Office , natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek ng maiwan nito sa mismong pinangyarihan ng krimen ang kanyang shortpants na mayroong nakabulsang simcard at SD card.
Nakita sa SD card at simcard ang mukha ni Manuel at napag-alaman ang ilang impormasyon kaugnay sa kaniya.
Samantala, habang tinutugis at pinaghahanap ang suspek ay muling nasangkot sa krimen at natuklasang siya ang pinaghahahanap ng mga pulis matapos tugunan ang gulong kinasangkutan nito.
Natuklasan na sinaktan ni Manuel ang kanyang kaibigang babae dahil wala umanong pambayad sa kanyang ininom.
Dito umano nagdilim ang paningin ni Manuel kaya niya nasampal at nasapak ang kaibigang babae.
Inamin naman ni Manuel ang ginawang panloloob sa bahay paupaan at pananakit sa kaibigang babae.
Wala na rin umano sa kaniya ang lahat ng ninakaw dahil ibinenta na niya ang laptop, cellphone, at rubber shoes, samantalang nagastos na rin niya ang walong libong piso pera na ninakaw.
Natuklasan din ng pulisya na bagong laya lamang si Manuel mula BJMP noong Oktubre dahil sa kasong carnapping at napawalang sala umano ang kaso dahil hindi na nagtutungo ang nagreklamo sa mga isinasagawang pagdinig.
Inihahanda na ang kasong slight physical injury at ang theft laban kay Manuel.




