--Ads--

Nanawagan ang transport group na PISTON na suspindehin ang Oil Deregulation Law at ibalik sa humigit-kumulang P55 kada litro ang presyo ng petrolyo sa merkado, kasabay ng panawagang tanggalin ang excise tax sa langis upang mapababa ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mody Floranda, sinabi niyang bago ang tensyon sa Middle East ay nasa ganitong antas ang presyo ng langis sa bansa. Aniya, kung magkakaroon ng direktang interbensyon ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagsuspinde ng deregulasyon at buwis, posible umanong maibalik sa mas abot-kayang presyo ang petrolyo.

Ito ang kanilang pangunahing ipapanawagan sa nakatakdang dalawang araw na transport strike mula Marso 26 hanggang 27, kasama ang grupong Manibela at iba pang samahan ng mga tsuper. Inaasahan na lalahok dito ang libu-libong jeepney at iba pang pampasaherong sasakyan sa iba’t ibang panig ng bansa bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Floranda, malaki na ang naging epekto ng mataas na presyo ng petrolyo sa kanilang sektor, lalo na’t hindi natuloy ang inaasahang fare hike noong nakaraang linggo na sana’y makatutulong upang madagdagan ang kanilang kita. Giit niya, mas mahalaga ang pansamantalang tigil-pasada upang maiparating ang kanilang hinaing kaysa tuluyang maghirap sa pangmatagalan dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa operasyon.

--Ads--

Dagdag pa niya, umaabot na lamang sa P200 hanggang P300 ang naiuuwing kita ng mga tsuper kada araw matapos ibawas ang gastos sa krudo, boundary, at iba pang bayarin, halagang aniya’y hindi sapat para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya tulad ng pagkain, edukasyon, at bayarin sa bahay.

Nagbabala rin siya na kung tuluyang mabawasan o mawalan ng mamamasada, posibleng mas lumala ang epekto nito sa publiko, kabilang ang mas mahabang oras ng paghihintay ng mga pasahero at pagtaas ng pamasahe sa iba pang uri ng transportasyon. Aniya, kahit ang mga may sariling sasakyan ay hindi rin ligtas sa epekto ng mataas na presyo ng petrolyo.

Samantala, binatikos din ni Floranda ang hiling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa emergency powers kaugnay ng krisis sa enerhiya, na aniya’y wala umanong konkretong solusyon at tila pagpapapogi lamang.

Iginiit niya na kinakailangan ang agarang atensyon at mas malinaw na hakbang mula sa pamahalaan upang tunay na maibsan ang pasanin ng mga Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.