CAUAYAN CITY – Itinuturing ng Santiago City Police Office (SCPO) ang isang tsuper ng tricycle na nauna nang nasamsaman ng walang lisensiyang baril na most wanted person sa pagnanakaw.
Inihayag ni P/Senior Supt. Percival Rumbaua, City Director ng SCPO sa harap ng maraming mamamahayag at mga opisyal na ang nadakip na si John Paul Palma, 24 anyos at residente ng District 3, Cauayan City ay itinuturing na most wanted person sa pagnanakaw.
Modus umano ni Palma ang magpanggap bilang isang tsuper ng tricycle kung saan namamasada siya gamit ang colorum na tricycle.
Anim na kabataan ang kaniyang nabiktima kung saan idinadala ang kaniyang mga pasahero sa hindi mataong lugar saka magdedeklarang hold-up.
Inihayag pa ni P/Sr. Supt. Rumabaua na modus din ni Palma ang tiktikan ang mga bahay na kanyang bibiktimahin habang namamasada.
Nabawi sa pag-iingat ng suspek ang 2 cellphone, isang camera, isang laptop, dalawang flat screen TV at iba na nakita sa bahay ng kanyang kinakasama.
Nakuha din sa kaniyang pag-iingat ang isang Cal. 38 baril at mga bala kung kayat nahaharap din siya sa kasong Illegal Possesion of Firearms.




