--Ads--

CAUAYAN CITY- Mariing pinabulaanan ng City of Ilagan Police Station ang kumakalat na impormasyon kaugnay sa kamuntikan umanong pagdukot sa ilang kabataan sa Barangay Cabisera 19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Jeffrey Raposas ang hepe ng City of Ilagan Police Station,sinabi niya na dalawang dalagita na edad 13 at 15 ang nag ulat sa umano’y tangkang pagdukot pasado alas-7:00 ng gabi nitong Lunes.

Ayon sa mga dalaga naglalakad sila sa kalsada nang may humintong sasakyan at may bumaba mula rito, mayroon umanong hawak na kung ano ang lalaki ngunit hindi nila ito matukoy at hindi na rin napansin kung anong behikulo, maging ang kulay, at plaka nito dahil madilim sa lugar.

Dahil sa takot na maaaring sila ay dukutin, kumaripas ng takbo ang dalawang dalagita saka nagsumbong sa kanilang magulang at dumulog sa Barangay.

--Ads--

Aniya, bagamat wala namang nangyaring pagdukot o tangkang pagdukot ay mas paiigtingin parin ng Pulisya ang presensya nila sa mga liblib na Barangay sa Lunsod para maiwasan ang ganitong mga insidente gayundin na hinihiling nila ang tulong ng mga magulang sa pagsubaybay sa kanilang mga anak.