--Ads--

Nilinaw ng Malacañang nitong Miyerkoles, na ang anumang pagbabawas o suspensiyon ng excise tax sa produktong petrolyo ay ipatutupad lamang sa mga bagong darating na supply at hindi sa kasalukuyang imbentaryo ng mga oil companies.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, mahalagang maunawaan na ipinapataw ang buwis sa oras ng pagpasok ng produkto sa bansa. Ibig sabihin, ang anumang pagbabago sa excise tax ay mararamdaman lamang sa mga bagong supply ng fuel.

Ipinaliwanag din na wala pang eksaktong kalkulasyon kung magkano ang maaaring ibaba ng presyo ng langis dahil patuloy ang pabago-bagong galaw ng global oil prices.

Dagdag pa rito, kinakailangan munang manatili sa USD80 kada bariles ang presyo ng krudo sa loob ng tuloy-tuloy na 30 araw bago maisaalang-alang ang pagpapatupad ng tax reduction o suspension. Kapag bumaba ang presyo sa ilalim ng nasabing threshold, hindi agad ito maaaring ipatupad.

--Ads--

Ang paglilinaw ay kaugnay ng paglagda ni Pangulong Bongbong Marcos sa Republic Act 12316 noong Marso 25, na nagbibigay sa Pangulo ng emergency powers upang pansamantalang bawasan o suspendihin ang excise tax sa langis bilang tugon sa pagtaas ng presyo nito dulot ng tensiyon sa Middle East.