Sumiklab ang sunog sa tatlong tahanan sa Purok 5, Barangay Malasin, San Mateo, Isabela bandang alas-4:40 ng hapon nitong Biyernes Santo, Abril 3 kung saan dalawang bahay ang tuluyang natupok habang isa ang bahagyang napinsala.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO3 James Hidchum, isa sa Imbestigador ng BFP San Mateo, sinabi niyang posibleng nagmula ang sunog sa isang bahay kung saan apat na magpipinsang bata na may edad 13, 12, 9 at 6 ang naiwan bago ang insidente.
Ayon sa imbestigasyon, nagluto umano ang mga bata bandang alas-11 ng umaga, kumain at natulog bago umalis ng bahay dakong alas-3 ng hapon, na posibleng dahilan ng pinagmulan ng apoy dahil sa naiwan umanong lutuan.
Nabatid na walang matandang naiwan sa bahay nang mangyari ang insidente, at mga kapitbahay ang unang nakapansin ng sunog bago ito iniulat sa mga awtoridad.
Ayon pa sa imbestigador, mabilis na kumalat ang apoy dahil yari sa light materials ang mga kabahayan, dahilan upang agad itong lamunin ng apoy sa kabila ng mabilis na pagresponde ng MDRRMO, PNP at Bureau of Fire Protection (BFP) San Mateo.
Tinatayang aabot sa halos ₱200,000 ang halaga ng pinsala, kabilang ang dalawang motorsiklo at iba pang kagamitan na natupok ng apoy.
Sa kabutihang-palad, walang naiulat na nasawi sa insidente, bagama’t may isang karatig-bahay ang bahagyang naapektuhan.
Samantala, sinabi ni FO3 Hidchum na pangatlo na itong naitalang sunog sa kanilang area of responsibility ngayong taon, kaya patuloy ang kanilang paalala sa publiko na mag-ingat at tiyaking walang maiiwang apoy o lutuan sa bahay upang maiwasan ang kaparehong insidente.











