Nauwi sa trahedya ang pagmamaneho habang nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin matapos magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa Barangay Dadap, Luna, Isabela, kaninang alas-12:20 ng madaling araw, na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong lalaki.
Ayon kay Police Major Jonathan Ramos, hepe ng PNP Luna, lumabas sa imbestigasyon na bandang alas-12 ng gabi ay nagtangka umanong lumabas sina alyas Jomar at Nestor patungong Barangay San Fermin, Cauayan City. Pinilit umano ni Jomar na magmaneho sa kabila ng pagpigil ng kanyang pamilya, kahit nasa ilalim siya ng impluwensya ng alak.
Samantala, si alyas Gerald naman ay patungo sa Barangay San Miguel, Luna upang puntahan ang kanyang kinakasama. Sa sobrang bilis ng takbo at pag-agaw ng linya ng grupo nina Jomar, naganap ang malakas na salpukan ng dalawang motorsiklo na agad na ikinasawi ng tatlong lalaki.
Dagdag pa ni Pmaj. Ramos, halos 500 metro lamang mula sa bahay nina Jomar ang pinangyarihan ng insidente. Wala rin umanong streetlight o anumang ilaw sa lugar, dahilan upang lalong maging delikado ang kalsada sa oras ng aksidente.
Muling nagpaalala si Pmaj. Ramos sa mga motorista na iwasan ang pagmamaneho habang lasing at palaging magsuot ng safety gear bilang proteksyon sa anumang sakuna sa daan.











