Inaresto ang tatlong indibidwal ng mga operatiba ng Echague Police Station matapos maaktuhang naglalaro ng ilegal na sugal sa Barangay Fugu, Echague, Isabela.
Bandang 3:22 ng hapon noong Enero 11, 2026 nang ikasa ang anti-illegal gambling operation sa Purok 2 ng nasabing barangay.
Itinago ang mga suspek sa alias na “Dita,” 42-anyos; alias “Lyn,” 52-anyos; at alias “Tope,” 32-anyos at pawang mga residente ng lugar.
Ayon sa Pulisya, naaresto ang mga suspek habang naglalaro ng tong-its sa loob ng bahay na pagmamay-ari ni alias Dita.
Nakumpiska sa operasyon ang isang kahoy na mesa, tatlong monoblock na upuan, baraha, at bet money na nagkakahalaga ng 870 pesos.
Isinagawa ang inventory at dokumentasyon ng mga ebidensya sa presensya ng mga suspek, at mga opisyal ng barangay.
Matapos ipaalam ang kanilang mg karapatan, dinala ang mga ito sa Echague Police Station para sa inquest proceedings kaugnay ng paglabag sa Presidential Decree No. 1602.
Samantala, sa kabuuan, mayroon nang siyam na naaresto sa lalawigan ng Isabela ngayong taon na may kaugnayan sa ilegal na pagsusugal.
Sa bayan ng Delfin Albano ay anim na katao naman ang naaresto matapos maaktuhan na nagsasagawa ng ilegal na pagsusugal sa barangay Carmensita.
Dakong alas-4 ng hapon nitong Enero 11, 2026 nang isagawa ang Anti-illegal gambling operations sa Purok 5 ng nasabing barangay.
Ang mga suspek ay sina alias “Maria,” Nene,” “Mary,” “Cris,” “Neil,” at “Eman” na pawang mga residente ng Carmensita at mga karatig na Barangay.
Naaktuhan ang mga ito sa loob ng bahay ni Eman habang naglalaro ng Tong-its na isang paglabag sa PD 1602
Nakumpiska sa mga ito ang dalawang set ng baraha, bet money nagkakahalaga ng 657 pesos, dalawang kahoy na mesa at apat na monoblock na upuan na ginamit sa ilegal na aktibidad.
Nasa kustodiya na ng Pulisya ang mga suspek at ang mga nasamsam na ebidensya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.











