--Ads--

CAUAYAN CITY – Makakatanggap ngayong araw ng cash benefits ang tatlong senior citizen na nakaabot ng isandaang taong gulang sa ilalim ng Centenarians Act of 2016.

Sa ilalim ng nasabing batas ang sinumang makakaabot ng edad isang daan ay makakatanggap ng halagang isang daang libong piso at sulat ng pagbati mula sa pangulo.

Ang makakatanggap ng cash benefits ay sina Ginang Ines Reyes, isandaan tatlong taong gulang at residente ng De Vera; Ginang Salvadora Cadorna, isandaang taong gulang at residente ng San Luis at Ginang Nilda Geron ng Sillawit.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edgardo Atienza Sr., pinuno ng Office of Senior Citizens Affairs, sinabi niya na ngayong araw ay nakatakda silang mag-door to door kasama ang isang kinatawan ng Department of Interior and Local Goverment o DILG Region 2 upang ibigay ang cash benefits.

--Ads--

Namangha  si Ginoong Atienza dahil ang dalawa sa mga tatanggap ng centanarian awards ay malalakas pa at kaya pa nilang pumuntang mag-isa sa tanggapan ng Cauayan City Center for Elderly habang ang isa ay hindi na nakakalakad ngunit sila ay pawang malalakas pa ang pandinig at malinaw pa ang kanilang paningin.