Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan at Isabela matapos maging ganap na tropical depression ang sama ng panahong binabantayan sa silangan ng Southeastern Luzon.
Sa inilabas na weather bulletin ng PAGASA alas-11:00 ng gabi nitong Miyerkules, sinabi ng ahensya na ang sentro ng Tropical Depression Kiyapo ay namataan sa layong 1,080 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna, may pagbugsong hanggang 55 kilometro kada oras, at may central pressure na 1004 hPa. Kumikilos ito pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Apektado ng TCWS No. 1 ang silangang bahagi ng mainland Cagayan, kabilang ang mga bayan ng Santa Ana, Gonzaga, Lal-lo, Gattaran, Baggao, Peñablanca, Santa Teresita, at Buguey.
Kasama rin sa ilalim ng Signal No. 1 ang silangang bahagi ng Isabela, kabilang ang Maconacon, San Pablo, Cabagan, Tumauini, Ilagan City, Divilacan, Palanan, San Mariano, at Dinapigue.
Ayon sa state weather bureau, posible pang itaas sa TCWS No. 2 o TCWS No. 3 ang babala depende sa magiging galaw at paglakas ng bagyo sa mga susunod na oras.
Samantala, ang pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat bunsod ng Bagyong Kiyapo ay magdadala rin ng malalakas hanggang bugso-bugsong hangin sa Sarangani, Davao Occidental, at Davao Oriental.
Nauna nang sinabi ng PAGASA na posibleng lumapit o mag-landfall ang bagyo sa lalawigan ng Cagayan sa pagitan ng Biyernes, Hulyo 24, at Sabado, Hulyo 25.
Inaasahang makaaapekto ang Bagyong Kiyapo sa Hilagang Luzon at ilang bahagi ng Gitnang Luzon sa pamamagitan ng malalakas na pag-ulan, bugso ng hangin, at maalon na karagatan, kahit hindi ito direktang tumama sa kalupaan.











