
CAUAYAN CITY – Palaging handa ang mga guro sa pagtupad sa kanilang tungkulin ngunit humihiling sila ng konsiderasyon na masunod ang dalawang buwang school break na nakasaad sa batas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Benjo Basas, chairman ng TDC na kahit nagtapos na noong June 24, 2022 ang school year 2021-2022 ay marami pa ring trabaho ang mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Handa silang sumunod sa pasya nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice president Sarah Carpio-Duterte na siyang kalihim ng DepEd na magsisimula na ang klase sa August 22,2022 para sa susunod na school year.
Gayunman, humihingi sila ng konsiderasyon sa Malakanyang at sa Department of Education (DepEd) na iurong ang pagbubukas ng klase sa kalagitnaan ng Setyembre para makapaghanda ang mga guro physically, emotionally at mentally gayundin na maihanda ang mga paaralan lalo na’t nais ng Pangulo na maipatupad na sa Nobyembre ang full face-to-face classes.
Sinabi pa ni Ginoong Basas na karapatan ng mga guro na magkaroon ng dalawang buwan na school break batay sa rules ng Civil Service Commission (CSC).
Noong nakaraang taon aniya ay September 13 nagsimula ang school year.
Nilinaw ni Ginoong Basas na hindi sila tutol sa face-to-face classes kundi nais na rin nila ito dahil hirap na ang mga guro at mag-aaral sa blended learning.
Gayunman, nais nilang magkaroon ng dayalago kay kalihim Duterte-Carpio para matalakay ang mga dapat na isaayos at ihanda sa pagbabalik ng face-to-face classes.




