--Ads--

Nananatiling mataas ang bilang ng mga kaso ng teenage pregnancy sa Lungsod ng Cauayan, ayon sa ulat ng City Population Office.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rochel Pareja, Population Program Officer II ng Cauayan City, sinabi nitong halos walang pagbabago sa bilang kumpara noong nakaraang taon.

Ayon kay Pareja, mahigit isang daang kabataan pa rin ang naitatala nilang nabubuntis sa murang edad, at posibleng mas mataas pa ang aktuwal na bilang dahil may ilan umanong nagtatago upang hindi maisama sa opisyal na datos.

Matatandaang noong Enero ng taong ito, naglabas ang Commission on Population and Development (CPD) Region II ng talaan ng apat na lungsod sa rehiyon—Tuguegarao City, Santiago City, Ilagan City, at Cauayan City, kung saan pumapangalawa ang Cauayan sa may pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy.

--Ads--

Bilang tugon, magsasagawa ng symposium ang City Population Office sa unang linggo ng Nobyembre, katuwang ang Local Youth Development Office (LYDO) sa pamumuno ni Atty. Divina Gonzales.

Kabilang sa mga tatalakaying paksa sa symposium ang kahulugan ng adolescent pregnancy, mga dahilan at epekto nito, pati na rin ang mga paraan upang maiwasan ito. Target ng aktibidad na mabisita ang bawat paaralan sa lungsod upang maipabatid sa mga kabataan at mga magulang ang kahalagahan ng tamang kaalaman tungkol sa maagang pagbubuntis.

Samantala, nakatakda ring magsagawa ang City Population Office ng tatlong-araw na aktibidad sa Disyembre 3, 4, at 5, kung saan lahat ng opisyal ng barangay ay inaasahang dadalo.

Layunin ng naturang programa na palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay leaders at maging katuwang sila sa adbokasiya laban sa teenage pregnancy bilang hakbang tungo sa mas ligtas at responsableng kabataan sa Lungsod ng Cauayan.