--Ads--

CAUAYAN CITY- Target ngayon ng Technical Education and Skills Development Authority- Isabela School of Arts and Trades (TESDA-ISAT) na magsagawa ng pagsasanay kaugnay sa mango processing para sa manggo growers sa Isabela upang maibsan ang oversupply.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Professor IV Leona Cayapan ng TESDA-ISAT sinabi niya na kailangan umanong matuto ng mga mango growers nang pag-process sa mangga upang hindi sila malugi sapagkat nakakapanghinayang ang itinapong mangga ng mga magsasaka dahil sa over supply.

Aniya kung alam lamang umano ng mga mango growers kung paano i-proseso ang mga mangga at gawin itong ibang produkto gaya ng mango jam, mango pickles at iba pa ay malaki umano sana ang kanilang kinikita.

Ginagawa na din umano ito ng ilang mga mango growers sa bayan ng Tumauini, Isabela kung saan naroon ang isang processing plant.

--Ads--

Kung makukumpleto naman aniya ang gamit sa innovation center sa TESDA Isabela ay maari na dalhin doon ang kanilang mga mangga upang i-process.

Hinikayat naman ni Assistant Professor Cayapan ang mga mango growers na magkaroon ng sariling mga organization upang maturuan sila ng TESDA kung paano mag-process ng mangga.