CAUAYAN CITY – Muling namahagi ang TESDA Region 2 ng libu-libong face mask, face shield at baked products sa mga frontliners sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Demetrio Anduyan ng TESDA Region 2, sinabi niya na sa mga nagdaang araw ay nakapamahagi sila ng nasa 16,000 face mask, 8,000 baked products, at 3,719 na face shield.
Bukod dito ay namahagi rin sila sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ng 25 complete set ng Personal Protective Equipment (PPEs) na ginawa ng mga Person’s Deprived of Liberty (PDLs) sa BJMP Santiago City habang apat na aerosol box naman ang kanilang ipinamahagi sa Region II Trauma and Medical Center na kanilang nasulisit sa isang pribadong kumpanya.
Bukod pa rito ay namamahagi rin sila ng mga gulay at prutas sa mga frontliners.
Binuksan din nila ang kanilang dormitory sa Southern Isabela College of Arts and Trades (SICAT) sa lunsod ng Santiago para sa mga nurses ng Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Sa Isabela School of Arts and Trades (ISAT) sa lunsod ng Ilagan naman ay gagawing quarantine area ng mga darating na OFWs.
Ayon kay Regional Director Anduyan, magpapatuloy ang ginagawa nilang ito hanggang hindi nasusugpo ang COVID-19 sa bansa.
Nagpapasalamat naman siya sa mga Local Government Units (LGUs) dahil sa pagbibigay nila ng mga kagamitan na ginagamit nila sa paggawa ng face mask lalo na ngayon at nagkakaubusan na ang mga tela na kanilang ginagamit dahil sarado ang kanilang mga pinagbibilhan.
Ayon pa kay Regional Director Anduyan, ang kanilang mga kawani mismo ang naghahatid sa mga PPEs sa mga LGUs at mga pagamutan.
Inihayag pa niya na sa ngayon sarili nilang pondo ang kanilang ginagamit.
Samantala, hindi na aniya nila itinuloy ang paggawa sana ng disinfection dahil sa pagdiscourage ng DOH sa paggamit nito.
Samantala, ayon kay Regional Director Anduyan, itinigil muna nila ang pagsasagawa ng mga training at ipagpapatuloy na lamang ito kapag wala na ang Enhanced Community Quarantine.
Gayunman ay mayroon pa rin silang online at SMS registration para sa mga gustong sumailalim sa training ng TESDA.













