
CAUAYAN CITY – Nagbabala sa publiko si PCol James Cipriano, panlalawigang director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na mag-ingat sa text scam dahil maging ang kanyang pangalan ay ginagamit ng mga scammer.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol Cipriano na modus ito ng mga scammer na nagpapakilalang provincial director ng Isabela.
Tinatawagan nila ang ilang contractor, negosyante, engineer at LGU’s ngunit wala silang nabiktima sa kanilang modus dahil una nang nagbigay ng text scam alert si PCol Cipriano sa kanyang facebook page para hindi sila makapambiktima.
Ang modus ng scammer ay nanghihingi ng load, nagpapanggap na may-ari ng catering at humihingi ng paunang bayad gamit ang pangalan ni PCol Cipriano.
Pinayuhan ni PCol Cipriano ang mga bibiktimahin ng mga kawatan na itawag sa himpilan ng pulisya o kaya ay sa kanyang personal number o magbigay ng mensahe sa kanyang facebook page.
Ayon kay Col. Cipriano, mayroon nang apat na nabiktima ngunit itinatawag sa kanya para beripikahin.
Ikinaalarma niya ang bagay na ito kaya bumuo sila ng tracker team at nabatid na hindi sila taga-Isabela kundi nasa National Capital Region (NCR) at region 4A batay sa kanilang lokasyon.




