--Ads--

Tinanggihan ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ibunyag ng prosekusyon ang ilang impormasyon tungkol sa mga testigo, kabilang ang kanilang kahandaang tumestigo sakaling umusad sa paglilitis ang kaso.

Ayon sa kamara, bagama’t kinikilala ang prinsipyo ng pagiging bukas o “publicity” ng mga pagdinig bago ang paglilitis—alinsunod sa mga naunang desisyon ng ICC—hindi ito ganap o “absolute.” Dapat anilang timbangin ang prinsipyong ito laban sa pangangailangang maprotektahan ang kaligtasan, kapakanan, at pribasiya ng mga biktima at testigo, gaya ng itinatadhana sa Rome Statute.

Inilabas ang anim na pahinang desisyon noong Pebrero 20 bilang tugon sa mosyon ng depensa na inihain noong Pebrero 16. Hiniling ng kampo ng depensa, na pinamumunuan ni abogado Nicholas Kaufman, na ilantad ang karagdagang detalye tungkol sa mga testigo sa ngalan ng “transparency” bago ang nakatakdang confirmation of charges hearing na magsisimula sa Pebrero 23.

Iginiit ng depensa na malilimitahan sila sa pagtutol sa ebidensiya ng prosekusyon na nakapaloob lamang sa nire-redact na bersyon ng Document Containing Charges (DCC), at magagawa lamang ito sa mga sarado o pribadong sesyon. Anila, ang impormasyong nais nilang isapubliko ay dati nang alam sa Pilipinas.

--Ads--

Gayunman, sinang-ayunan ng kamara ang argumento ng prosekusyon na ang pag-alis sa mga redaction sa DCC at sa pre-confirmation brief—na nagdedetalye ng tatlong bilang ng pagpatay laban kay Duterte—ay maaaring maglagay sa panganib sa seguridad ng mga biktima at testigo.

Binigyang-diin din ng tatlong miyembrong hukom na kahit pa sinasabing pampublikong impormasyon na ang ilang detalye sa Pilipinas, hindi nito inaalis ang mga panganib sa mga indibidwal at kanilang pamilya kapag ang naturang impormasyon ay kinumpirma o pinabulaanan.

Sinabi ng hukuman na ang mga redaction ay hindi naman humahadlang sa depensa na kuwestiyunin ang “reliability at admissibility” ng ebidensiya ng kabilang panig sa mismong pagdinig.

Sa ilalim ng Code of Professional Conduct ng ICC, pinaalalahanan ng kamara si Kaufman at ang iba pang abogado ng depensa na igalang ang pagiging lihim ng mga kumpidensiyal na impormasyon sa lahat ng oras, kabilang na sa confirmation of charges hearing. Dapat tiyakin ng abogado na ang kanilang mga pahayag—direkta man o hindi—ay hindi magbubunyag ng sensitibong detalye, at maaari silang humiling ng pribadong sesyon kung kinakailangan.

Ang naturang desisyon ay kabilang sa mga huling resolusyon ng kamara bago ang pagsisimula ng pre-trial hearing, kung saan ilalatag ng mga panig ang kani-kanilang argumento upang matukoy kung may sapat na batayan ang mga sakdal laban kay Duterte upang umusad sa paglilitis.

Bukod dito, ibinasura rin ng kamara ang hiling ng depensa na ma-disqualify ang mga Pilipinong abogado na sina Joel Butuyan at Gilbert Andres sa kaso.

Pinagbigyan naman ng kamara ang nakasulat na waiver ni Duterte na hindi na siya dadalo sa pagdinig, batay sa kanyang kalagayan sa kalusugan at sa isyu ng hurisdiksiyon ng ICC sa kanya.

Si Duterte ay kasalukuyang nakadetine sa Scheveningen prison complex at nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng umano’y pagpatay at tangkang pagpatay sa 78 katao sa konteksto ng kanyang kampanya kontra droga.