--Ads--

CAUAYAN CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isang tindero na nasamsaman ng Ilegal na Droga makaraang dakpin dahil sa panggugulo sa Roxas, Isabela.

Ang suspek ay si Armenio Miguel Sr., 46 anyos, may-asawa at residente ng San Placido, Roxas, Isabela.

Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office, nag-umpisa umanong magpakita ng hindi kanais-nais na kilos si Miguel nang siya ay isinumbong ng kanyang mga kasamahan at kinausap ng mga opisyal ng barangay kaugnay sa kanyang pagnanakaw umano ng kalabaw.

Dahil dito ay nag-init umano ang ulo ni Miguel na nauwi sa kanyang panggugulo sa naturang lugar kaya ipinagbigay alam ng mga opisyal ng barangay sa mga kasapi ng Roxas Police Station.

--Ads--

Sa pagtugon ng mga pulis ay hindi pa rin tumigil ang suspek kaya siya ay dinakip.

Upang makatiyak wala siyang armas ay nagsagawa ng body search ang pulisya at nakuha ang isang sachet ng hinihinalang shabu sa bulsa ni Miguel.

Agad dinala sa himpilan ng pulisya si Miguel para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.