--Ads--

Tinutulan ng Hamas ang pahayag ng isang opisyal ng pamahalaan ng Israel na nananawagan sa grupong nakabase sa Gaza na magbaba ng armas sa loob ng 60 araw, kasabay ng banta na muling ipagpapatuloy ang digmaan kung hindi ito susunod.

Ayon kay Mahmoud Mardawi, isang mataas na opisyal ng Hamas, wala siyang kaalaman sa naturang kahilingan, sinabi niyang ang mga pahayag umano ni Benjamin Netanyahu at ang mga inilalabas sa media ay pawang mga pagbabanta lamang at walang batayan sa kasalukuyang negosasyon.

Ang reaksiyon ni Mardawi ay kasunod ng pahayag ni Yossi Fuchs, Kalihim ng Gabinete ng Israel, sa isang kumperensya sa Jerusalem. Ayon sa ulat nagbanta si Fuchs na ipagpapatuloy ng Israel ang opensiba sa Gaza kung hindi magdi-disarma ang Hamas sa loob ng dalawang buwan.

Sinabi rin ni Fuchs na ang 60 araw na palugit ay hiniling umano ng administrasyon ng Estados Unidos at ito ay kanilang iginagalang. Hindi niya kinumpirma kung kailan eksaktong magsisimula ang ultimatum, ngunit posibleng iugnay ito sa pulong sa Pebrero 19 ng Pangulo ng US na si Donald Trump kaugnay ng planong suportado ng Washington para sa rekonstruksiyon ng Gaza. Dagdag ni Fuchs, susuriin muna nila ang magiging resulta ng plano.

--Ads--

Binalaan naman ni Mardawi na ang anumang hakbang upang ipagpatuloy ang digmaan ay magkakaroon ng “malubhang epekto sa buong rehiyon” at iginiit na hindi susuko ang mamamayang Palestino.

Nagsimula noong kalagitnaan ng Enero ang ikalawang yugto ng kasunduang tigil-putukan, kung saan inaasahang tatalakayin ang pagdi-disarma ng Hamas at ang posibleng pagdeploy ng isang pandaigdigang puwersang pangkapayapaan. Gayunman, tumanggi ang Hamas na magbaba ng armas hangga’t nagpapatuloy ang okupasyon ng Israel sa Gaza.

Nauna rito, tinanggihan din ni Khaled Meshaal, lider pampulitika ng Hamas sa ibang bansa, ang mga panawagang magdisarma ang mga grupong Palestino sa Gaza.

Aniya, ang pag-aalis ng armas sa isang bayang nasa ilalim ng okupasyon ay maglalagay sa kanila sa mas malaking panganib. Mula Oktubre 2023, mahigit 72,000 katao na ang nasawi sa Gaza, kabilang ang libu-libong bata, ayon sa mga awtoridad doon.

Sa kabila ng tigil-putukang pinangasiwaan ng Estados Unidos, mahigit 600 Palestino na umano ang napatay mula nang ito ay magkabisa. Iniulat din ng mga awtoridad sa Gaza na mahigit 1,520 beses nang nilabag ang kasunduan.

Patuloy din ang matinding kakulangan sa pagkain, gamot, suplay medikal, at materyales para sa tirahan sa Gaza, kung saan tinatayang dalawang milyong Palestino — kabilang ang 1.5 milyong lumikas — ang namumuhay sa malubhang kalagayan.