Mas paiigtingin ng Department of Tourism o DOT Region 2 ang training sa mga Tourism Officers at Cultural Officer para maaccommodate ng maayos ang mga dumarating na turista sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Dr. Troy Alexander Miano ng DOT Region 2 sinabi niya na upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga Tourism Officers at Cultural Officer sa mga lalawigan sa Lambak ng Cagayan ay magsasagawa sila ng Tourism Awareness and Tourist Reception Seminar.
Kabilang dito ang mga fundamental procedures ng pagwelcome sa mga bisitang turista at matiyak ang dekalidad na serbisyo at hospitality na ibinibigay ng local toursim at cultural offices sa bawat lalawigan.
Tiniyak ni Dr. Miano na patuloy ang pagpromote ng DOT Region 2 sa mga ipinagmamalaking turismo ng Rehiyon Dos lalo na ang mga bagong bukas na pasyalan.
Inanyayahan naman niya ang mga turista na tangkilikin ang lokal na turismo sa bansa at ipagmalaki ang kagandahan ng Pilipinas.











