--Ads--

Nababahala ang sektor ng public transport sa posibilidad ng kakulangan sa suplay ng langis sa bansa dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition (NPTC), sinabi niya na dahil sa kasalukuyang kaguluhan sa rehiyon, inasahan na nila ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa merkado.

Ang mas ikinakabahala ng grupo ay ang posibilidad na maranasan sa bansa ang kakulangan sa suplay ng produktong petrolyo, na maaaring makaapekto sa transportasyon, presyo ng mga bilihin, at pang-araw-araw na pamumuhay ng publiko.

Dahil dito, nanawagan ang NPTC sa pamahalaan na agad magplano at maghanda ng mga hakbang upang maiwasan ang kakulangan sa suplay o oil supply shortage, na huling naranasan sa bansa noong dekada 1970.

--Ads--

Bagamat may mga programang tulong at subsidiya ang pamahalaan para sa transport sector dahil sa sunud-sunod na oil price hike sa nakalipas na mga linggo, mas mainam na maagang paghandaan ang mas matinding epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ipinaliwanag ni Lim na kung mas tatagal ang kaguluhan, posibleng magkaroon ng malawakang pagkaantala o kawalan ng suplay ng langis sa bansa dahil sa dalawang pangunahing isyu: una, ang pambobomba at pagkasira ng ilang oil refineries sa rehiyon; at pangalawa, ang pagsasara ng Strait of Hormuz, na pangunahing ruta ng mga barkong nagbibyahe ng langis patungo sa iba’t ibang bansa.

Ayon sa NPTC, ang kakulangan sa suplay ay maaaring magdulot ng domino effect sa ekonomiya: pagtaas ng presyo ng pamasahe, pagtaas ng halaga ng mga bilihin, at posibleng paghina ng mobility sa transport sector. Kung hindi maaga ang paghahanda, hindi lamang ang mga operator ng jeep, bus, at iba pang pampasaherong sasakyan ang maaapektuhan, kundi ang bawat Pilipino sa araw-araw na pamumuhay.

Ipinapayo ng NPTC na magkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng pamahalaan, mga kumpanya ng langis, at mga transport sector organizations upang makabuo ng contingency plan, kabilang ang alternatibong suplay, stockpiling, at subsidized fuel programs, upang mapanatili ang operasyon ng transportasyon sa bansa sa harap ng tumitinding tensyon sa Middle East.