--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinarangalan ng pamahalaang Lunsod ng Cauayan ang tsuper ng tricycle na si G. Edmundo Mamauag ng Barangay Villa Concepcion.
Ito ay dahil sa pagsasauli ng napulot na pouch bag na naglalaman ng mahigit P15,000.00.

Noong Sabado ng hapon ay nagtungo sa Bombo Radyo Cauayan si Mamauag para ipasakamay ang itim na pouch bag na nahulog sa harapan ng isang bahay kalakal na katabi ng terminal ng bus.

Sinabi niya hindi niya naisip na angkinin ang pera dahil sa pangamba na siya ay makarma.

Naisip niyang dalhin ito sa Bombo Radyo cauayan para maisauli sa may-ari.

--Ads--

Mahigit dalawang oras matapos maisahimpapawid ang panayam kay G.Mamauag ay nagtungo sa Broadcast Center ang may-ari ng pouch bag na si Gng. Froilin Partible ng San Juan, Aurora, Isabela.

Pinangunahan ni City Administrator Jose Abad at ng mga kasapi ng Sangguniang Panlunsod ang pagbibigay ng pagkilala kay Mamauag.

Bukod sa cash incentive ay mabibiyayaan siya isang taong libreng prangkisa sa kanyang pamamasada sa Lunsod ng Cauayan.

Sa maikling pagsasalita ni Mamauag ay sinabi niya na hindi niya naisipang kunin ang pera at nagdesisyong idala ito sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan upang maibalk ang napulot sa tunay na may-ari.

Umani ng palakpak at papuri si Mamauag sa ginawa niyang kabutihan.