--Ads--

Napipilitan ang ilang tricycle driver sa Cauayan City na bawasan ang kanilang pamamasada upang mapigilan ang lumalaking gastos sa gasolina na kumakain sa kanilang arawang kita.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Noel Lucas, isang tricycle driver, sinabi niyang malaking hamon para sa mga namamasada ang maghapon na pagbibiyahe dahil hindi tiyak kung sasapat ang kanilang kikitain sa dami ng pasahero upang mabawi ang gastos sa gasolina.

Sa halip na dagdagan ang oras ng pamamasada upang maabot ang target na kita, kinakailangan umano nilang pag-isipang mabuti ang bawat biyahe dahil bawat pasada ay may katumbas na konsumo sa petrolyo.

Dahil dito, hindi lamang pamasahe ang kanilang isinasaalang-alang kundi kung paano mapananatiling sapat ang kanilang kita matapos ibawas ang gastos sa gasolina at iba pang gastusin sa pamamasada.

--Ads--

Para sa mga driver na umaasa sa arawang kita, ang patuloy na paggalaw ng presyo ng petrolyo ay nagtutulak umano sa ilan na bawasan ang kanilang pamamasada upang hindi maubos sa gasolina ang kanilang kinita sa maghapon.

Nananatiling hamon para sa mga namamasada ang paghahanap ng paraan upang mapanatili ang kanilang kita habang kinahaharap ang pabagu-bagong presyo ng petrolyo at iba pang gastusin sa operasyon.