--Ads--

Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng gabi ang isang bagong tropical storm na may international name na Higos, habang papalabas naman ng bansa ang Bagyong Francisco, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa inilabas na tropical cyclone advisory ng PAGASA alas-onse ng gabi nitong Miyerkules, namataan ang sentro ng Tropical Storm Higos sa layong 1,855 kilometro silangan ng Central Luzon, sa labas pa ng PAR.

Ito ay may maximum sustained winds na aabot sa 65km.h. malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 80km/h. Kumikilos ito pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok ang bagyo sa PAR pagsapit ng Huwebes ng gabi, Hunyo 25, o madaling-araw ng Biyernes, Hunyo 26. Kapag nasa loob na ng PAR, tatawagin itong “Gardo.”

--Ads--

Gayunman, nilinaw ng PAGASA na mananatiling malayo ang bagyo sa kalupaan ng Pilipinas at hindi inaasahang direktang makaaapekto sa lagay ng panahon at kondisyon ng karagatan sa bansa sa loob ng forecast period.

Samantala, patuloy namang humihina ang Bagyong Francisco habang mabagal na kumikilos sa karagatan ng Pilipinas. Huling namataan ang sentro nito sa layong 325 kilometro silangan-hilagang silangan ng Itbayat, Batanes alas-diyes ng gabi noong Miyerkules.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes dahil sa epekto ng bagyo.

Taglay ng Bagyong Francisco ang lakas ng hanging umaabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 150 kilometro kada oras. Mayroon itong central pressure na 975 hPa at mabagal na kumikilos pahilaga.

Inaasahang lilihis ito pahilagang-silangan patungo sa Ryukyu Islands at katimugang bahagi ng mainland Japan. Posible rin itong humina bilang isang severe tropical storm sa loob ng susunod na 12 oras at magpapatuloy ang unti-unting paghina nito.

Ayon sa PAGASA, inaasahang tuluyan nang lalabas ng PAR ang Bagyong Francisco sa Huwebes ng hapon o gabi.