Bumagsak sa -3 percent ang trust ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang si Vice President Sara Duterte ay nakapagtala ng anim na puntos na pagtaas mula Setyembre, ayon sa isang survey na isinagawa sa gitna ng imbestigasyon kaugnay ng multi-bilyong pisong flood control scandal.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), bumaba ng 10 puntos ang ratings ni Pres. Marcos mula sa +7 porsyento noong Setyembre.
Halos kapareho ang trust score ng pangulo sa panahon ng eleksyon mula Marso hanggang Mayo, kasunod ng impeachment ni Duterte at pagkakakulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Batay sa mga datos ng SWS naitala ang pinakamababang ratings ni Marcos noong Abril na -4 porsyento subalit muling tumaas sa +18 porsyento noong Hunyo.
Ang survey ay isinagawa mula Nobyembre 24 hanggang 30, mahigit isang linggo matapos pangalanan ni dating AKO BICOL Rep. Zaldy Co si Marcos sa umano’y ₱100 bilyong insertion sa 2025 budget.
Ayon sa SWS, 1,200 katao ang lumahok sa survey na may ±3% national margin of error.











