
CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng kasong homicide ang driver ng jeep na nahulog sa bangin sa Gregorio Pimentel bayan ng Diffun noong gabi ng ikasampo ng Marso.
Matatandaang nawalan umano ng preno ang jeep kaya dumiretso sa bangin na nagresulta sa pagkamatay ng isang estudyante at pagkasugat ng dalawampu’t siyam na iba pa.
Ang driver ay si Alvin Bangoyna, dalawampu’t isang taong gulang at residente ng nasabing lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Juanito Balite, hepe ng Diffun Police Station sinabi niyang nagsampa ng kasong homicide sa piskalya ang pamilya ng estudyanteng nasawi sa aksidente.
Nakipag-ayos naman ang pamilya ng mga nasugatan sa aksidente sa tsuper ng jeep dahil magkakatribo rin ang mga ito.
Sa ngayon ay isang estudyante na lamang ang nananatili sa hospital dahil sa tinamong sugat sa aksidente.
Samantala upang hindi na maulit ang pangyayari ay nakipag-ugnayan na ang pulisya sa Land Transportation Office o LTO upang manghuli ng mga kolorom at overloaded na jeep.









