CAUAYAN CITY– Isang ang nasawi, isa ang malubhang nasugatan matapos na mahulog sa bangin ang isang oil tanker truck sa bahagi ng Barangay Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya.
Ang nasawi ang tsuper na si Jay Luis, 32 anyos, residente ng Burgos, Isabela, habang nasugatan ang pahinante na si Jerrywin Garcia, 35 anyos, residente ng San Mateo, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Captain Roger Visitacion, Officer-in-Charge ng Aritao Police Station na lumabas sa kanilang pagsisisyasat na binabagtas ng truck ang pambansang lansangan patungong hilagang direksyon nang makarating sa lugar ng aksidente ay iniwasan umano nito ang isang sasakyan na umagaw ng linya.
Agad umanong nagpreno ang driver ng oil tanker truck para iwasan ang kasalubong na sasakyan subalit dahil sa madulas na kalsada dulot ng pag-ulan ay nawalan ng kontrol sa manibela si Luis na nagsanhi para bumangga sa concrete barrier bago tuluyang mahulog sa bangin ang truck.
Nagawang makatalon ng pahinante na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang naipit sa loob ng sasakyan si Luis at kasamang nahulog.
Wala anyang laman na krudo ang nahulog na oil tanker truck.
Agad tumugon ang mga rescue team at dinala sa Municipal Health Office Aritao si Garcia na kalaunan ay inilipat sa Region 2 Trauma and Medical Center habang dead on the spot si Luis.