--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na tumataas ang antas ng tubig ang Magat Dam kasunod ng mga naranasang pag-ulan sa lambak ng Cagayan at Cordillera.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niya na dahil sa mga pag-ulan sa mga nakalipas na araw ay tumaas ng 0.9 meters ang water elevation ng Magat Dam.

Sa kabila nito ay patuloy pa rin anya nilang pinag-aaralan kung papatubigan na nila ang lahat ng nasasakupan ng Magat Dam.

Ayon kay Engr. Dimoloy, kinakailangan ng 185 – 187 meters above sea level na water elevation ng dam upang mapatubigan ang lahat ng sakahan na sakop ng kanilang program area.

--Ads--

Sa ngayon ay nasa 176 meters above sea level palang ang antas ng tubig sa dam.

Una nang napaulat sa Bombo Radyo na posibleng hindi matubigan o mahuhuling mapatubigan ngayong cropping 30,000 hectares ng palayan dahil sa mababang lebel ng tubig sa dam na epekto ng El Nino.

Bagama’t hindi pa nagpapakawala ng tubig ang NIA-MARIIS sa ilang sakahan ay ilang magsasaka na ang nagsimula nang maghanda ng kanilang sakahan para sa susunod na cropping season.

Ayon kay Engr. Dimoloy, pinaghahandaan na din nila ang posibleng La Nina Phenomenon upang ma-maximize ang tubig sa Dam.

Sakali anyang maranasan ito ay hindi nila pupunuin ng husto ang Dam upang ma-accommodate nito ang mga tubig-ulan kapag nagsimula nang maramdaman ang La Nina.