CAUAYAN CITY – Namamahagi na ng binhi ng palay ang Department of Agriculture o DA Region 2 kasabay ng paghahanda ng mga magsasaka ng kanilang sakahan para sa wet cropping season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director for Operations and Extension ng DA Region 2, sinabi niya na kabilang sa kanilang mabibigyan ng hybrid seeds ang mga magsasaka sa 174,449 hectares na palayan habang inbred seeds naman ang ibibigay sa mga magsasaka ng 96,463 hectares ng palayan sa rehiyon.
Pinaka marami anyang makakatanggap na magsasaka sa lalawigan ng Isabela na may 86,000, Cagayan na 69,000, Nueva Vizcaya na 11,000 at Quirino na may higit 7,000.
Kabilang sa mga matatangap ng mga magsasaka ang inorganic fertilizer at mayroon ding cash assistance na 5,000 pesos para sa mga farmers na may sinasakang dalawang ektarya pababa.
Samantala, tiniyak naman ng DA Region 2 ang tulong sa mga magsasakang hindi mapapatubigan ang palayan dahil sa epekto ng El NiƱo.
Ayon kay Dr Busania, nakahanda anya silang mamahagi sa mga apektadong magsasaka ng vegetable seeds na hindi nangangailangan ng maraming tubig sa pagpapalaki.
Una nang sinabi ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS na mula sa 90,000 hectares na kanilang nasasakupan ay tanging 60,000 hectares lamang ang kanilang mapapatubigan ngayong wet cropping season dahil mababang lebel ng tubig sa Magat Dam.
Sakali man na magkaroon ng mga pag-ulan at tumaas ang antas ng tubig ay maaari pa rin naman umanong maipahabol na mapatubigan ang 30,000 hectares na sakahan sa mga susunod na buwan.