--Ads--

CAUAYAN CITYNilinaw ng Department of Labor and Employment o DOLE Region 2 na “Fake News” o walang katotohanan ang mga lumalabas sa social media kaugnay sa pagha-hire umano ng mga estudyante para mapabilang sa Tulong Panghanapbuhay ng ating Displaced Workers o TUPAD Cash Assistance Program.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Angelica Gay Dela Cruz, Livelihood Unit Head ng DOLE Region 2, sinabi niya na ang naturang abiso mula sa isang facebook page ay walang katotohanan dahil hindi ito direktang ipinalabas ng kanilang ahensya.

Aniya, maraming scammer ang nagkalat sa paligid at maaaring modus lamang nila ang pagpapakalat ng naturang abiso upang makakuha ng personal na impormasyon ng ibang tao.

Sa ngayon ay wala pa namang naiuulat ang kanilang tanggapan na nabiktima ng mga ganitong klase ng scammer kaya’t pinayuhan niya ang lahat na kapag may nakaka-ugnayan na mga scammer ay agad itong ipag-bigay alam sa kanilang tanggapan upang agad na maaksyunan.

Paglilinaw naman ni Dela Cruz, ang TUPAD program ng DOLE ay hindi cash assistance grant para sa mga estudyante bagkus ito ay emergency employment program na nagbibigay ng pansamantalang trabaho para sa mga disadvantage, vulnerable at displaced workers na nasa tamang edad.

Ang mga kwalipikado na maging benepisyaro ng naturang programa ay maaring dumaan sa DOLE, Local Government Units at mga accredited co-partner ng DOLE para sa kanilang profiling at interview at hindi lamang dapat kung sinu-sino ang kumukuha sa kanilang mga personal basic information.

Sa ngayon ay umabot na sa 34,000 ang mga naging benepisyaryo ng TUPAD Programs sa buong Rehiyong Dos.