--Ads--

Posibleng maging susunod na pangunahing export ng Pilipinas ang ube matapos umabot sa $3.06 milyon ang halaga ng purple yam exports noong 2025, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI). Mas mataas ito kumpara sa $1.4 milyon noong 2024 batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Iniuugnay ang pagtaas ng demand sa pandaigdigang trend para sa mas masustansya at visually appealing na pagkain. Kabilang sa mga pangunahing merkado ng ube ang Japan, China at United States, kung saan ginagamit ito sa iba’t ibang dessert at inumin.

Gayunman, nahaharap sa kakulangan sa suplay ang bansa. Bumaba sa 13,535 metric tons ang produksyon noong 2022 mula sa mahigit 15,000 metric tons noong 2021, kaya napilitan ang Pilipinas na mag-angkat mula sa Vietnam upang matugunan ang lokal na pangangailangan.

Ayon sa mga eksperto, kailangang palakasin ang produksyon at branding ng ube upang mapanatili ang paglago nito sa pandaigdigang merkado.

--Ads--