--Ads--

CAUAYAN CITY- Tinatayang aabot sa P/15 million hanggang P/20 million ang halaga ng natupok ng apoy sa nasunog na Saint Joseph Parish Church sa Tabuk City, Kalinga.

Unang napaulat na nasunog kagabi ang naturang simbahan ilang oras matapos ang simbang gabi.

Sa exklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni SFO1 Tito Esrael, ground commander ng BFP-Tabuk City na sinisiyasat na nila ang umanoy may natuklasan na paglalagay ng jumper na posibleng sanhi ng sunog.

Batay pa sa pagtaya ng BFP, hindi na maaring ma-renovate ang nasabing simbahan na itinayo pa noong 1950.

--Ads--

Nauna nang lumabas sa imbestigasyon ng PNP-Tabuk City na bago umano ang nangyaring sunog ay dalawang beses na nawalan ng supply ng kuryente ang simbahan habang isinasagawa ang Christmas eve mass.

Wala naman naitalang nasugatan sa nasabing sunog, maliban na lang sa mga kagamitan na nasa loob ng simbahan na nilamon ng apoy.
Napag-alaman na mga rebulto lang ang nailigtas ng mga otoridad at residente na rumesponde sa sunog.

Inihayag pa ni FO2 Marlon Bautista ng Bureau of Fire Protection (BFP) Tabuk City na inaalam pa nila ang sanhi ng pagkasunog ng simbahan na isa sa pinakamalaking simbahan sa probinsiya ng Kalinga.

Dahil dito, pansamantalang isinagawa ang misa ngayong araw sa covered court ng Saint Joseph Parish.