--Ads--

Matinding kinastigo ni Senador Alan Peter Cayetano ang kabagalan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pag-iimbestiga sa bumagsak na Cabagan-Sta. Maria bridge.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na hindi matukoy ng DPWH sa unang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa insidente dahil wala pang nasususpendi man lamang o natutukoy ang posibleng mananagot.

Tinutukoy ni Cayetano ang insidente noong February 27 ng tumawid ang isang overloaded na dump truck sa Cabagan-Sta. Maria bridge na kaya bumagsak ang tulay na ikinasugat ng anim na katao.

Inabot ng higit isang dekada ang konstruksyon ng tulay. Nitong nakaraang buwan lamang din ito natapos at binuksan sa publiko.

--Ads--

Nadismaya ang senador nang malaman kay DPWH Undersecretary Eugenio Pipo na kahit dalawang linggo na ang nakalilipas ay wala pa silang natuklasan kung bakit ito gumuho.

Nagulat din siya dahil hanggang sa ngayon ay wala pang nabubuong komite ang ahensya upang imbestigahan ang insidente.

Para kay Cayetano, dapat magpataw ng preventive suspension ang DPWH para mapanatili ang integridad ng imbestigasyon at maipakita sa publiko na ginagawa nila ang lahat upang itama ang sitwasyon.

Nagpahayag din ng pagkadismaya si Cayetano dahil sa hindi pagsipot ni Secretary Manuel Bonoan gayong mabigat itong problema ng ahensya.

Bago matapos ang pagdinig, hiningi ni Cayetano sa DPWH ang mga papeles na may kinalaman sa tulay, kabilang ang mga test result, at ang pagtalaga ng isang point person sa imbestigasyon.

Nagpatawag uli siya ng isa pagdinig ng Blue Ribbon upang ipagpatuloy ang imbestigasyon.