Dinagsa ng mga mananampalataya ang unang araw ng Misa de Gallo sa lungsod ng Cauayan na nagsimula ng alas-4:00 ng madaling araw, Disyembre 16, 2025.
Mula pa lamang sa entrance ng simbahan hanggang sa mga gilid nito ay kapansin-pansin ang dagsa ng mga nagsisimba na sabik na makibahagi sa pagsisimula ng siyam na araw na misa bilang paghahanda sa kapaskuhan.
Ayon sa mga dumalo, maaga pa lamang ay pumila na ang ilan upang makapasok sa loob ng simbahan, habang ang iba naman ay nakuntento nang makinig sa misa mula sa labas dahil sa dami ng dumalo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Danilo Calma, isa sa mga dumalo, ibinahagi niyang mula pa noong 1996 ay naging bahagi na ng kanyang taunang tradisyon ang pagdalo sa Misa de Gallo.
Aniya, hindi niya pinalalampas ang pagkakataong makapagsimba tuwing madaling araw bilang pasasalamat at paghiling ng mga biyaya.
Dagdag pa ni Calma, isa sa palagi niyang ipinagdarasal ay ang mabuting kalusugan ng kanyang buong pamilya.
Gayunman, sa taong ito ay nadagdagan umano ang kanyang mga dalangin, partikular ang panalangin para sa kapayapaan sa buong mundo dahil sa kaliwa’t kanang mga pangyayaring nagdudulot ng pangamba sa marami.
Samantala, naging mapayapa ang unang araw ng Misa de Gallo at inaasahang magpapatuloy ang pagdagsa ng mga mananampalataya sa mga susunod pang araw habang papalapit ang Pasko.
Home Local News
Unang araw ng Misa de Gallo, dinagsa ng mga mananampalataya sa Cauayan City
--Ads--










