Isinusulong ni Senador Bam Aquino ang isang panukalang batas na magtatatag ng universal feeding program para sa humigit-kumulang walong milyong mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3, bilang agarang hakbang upang tugunan ang suliranin ng stunting o pagkabansot sa mga batang Pilipino.
Nakasaad sa Senate Bill No. 2272 na layuning amyendahan ang Republic Act 11037 o ang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act. Nakatakda sanang isponsor ni Aquino ang panukala noong Mayo 11, ngunit naantala ito dahil sa mga pagbabago sa liderato ng Senado.
Ayon kay Bam Aquino, ang pagkaantala ng panukala ay nakapanghihinayang dahil ito aniya ay mahalagang reporma para sa mga batang Pilipino na nakararanas ng gutom at malnutrisyon.
Batay sa enrollment data ng Department of Education para sa School Year 2025–2026, may 7,989,911 mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3 ang target na benepisyaryo ng programa. Ipatutupad ang feeding program sa loob ng 231 araw, kabilang ang 201 school days at 30 araw ng summer classes.
Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ng senador ang patuloy na krisis sa nutrisyon sa bansa. Ayon sa kanya, 26.7% ng mga batang wala pang limang taong gulang sa Pilipinas ay stunted o hindi naaabot ang inaasahang paglaki at pag-unlad.
Iginiit ni Aquino na ang kakulangan sa nutrisyon ay may pangmatagalang epekto sa kakayahan ng mga bata sa pag-aaral at pag-abot ng kanilang potensyal.Dagdag pa niya, ang panukalang feeding program ay hindi lamang usapin ng edukasyon kundi isang public health intervention at hakbang para sa pagpapaunlad ng human capital ng bansa.





